Kaliwa’t kanan ang pagbabagong-bihis ng Maskom: mula sa renobasyon ng Batibot, o iyong popular na tambayan sa harap ng Plaridel Hall, hanggang sa malakihang pagkukumpuni at pagdaragdag ng mga pasilidad sa iba’t ibang departamento ng kolehiyo.
Sa nalalapit na pagbaba ni Dean Fernando ‘Ernan’ Paragas at ng ika-60 taong anibersaryo ng kolehiyo, bahagi ng pagbabagong-bihis na ito ang pagpapalit ng pangalan ng College of Mass Communication (CMC) o Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman.
Malaon na itong usapin mula pa noong ‘90s, ayon kay professor emeritus Elizabeth Enriquez. Ang mungkahi: Tanggalin ang salitang “mass” o masa sa pangalan ng kolehiyo upang maging “College of Communication” na lamang. Bigo ang tangkang ito.
Nabuhay muli ang usap-usapan nang matalakay ito sa curriculum workshop ng CMC sa Tagaytay noong 2001, kung saan ang lumutang na bagong pangalan ay “College of Media and Communication.”
Matapos nito, nanatili pa rin ang “rebranding” sa mga impormal na usapan hanggang sa mabuksan ito muli sa college planning noong Marso hanggang Abril 2023. Isa pang suhestyon ay ang “College of Media Cultures.” Madadaglat pa rin ang mga ito bilang CMC para umano makatipid.
So, may final na ba? Matapos ang college planning ng mga kawani ng Maskom sa Baguio nitong ika-31 ng Hulyo hanggang ika-2 ng Agosto, naglabas ng resolusyon kung saan napili ang pangalang “College of Media and Communication.” Dadaan pa ito sa mga proseso ng unibersidad, ngunit kung nagkataon, posibleng Batch 2024 na ang huling makapagsasabing “Gradweyt ako ng UP Maskom!”
Marami sa kolehiyo ang kumunot ang noo at naglabas ng hinaing sa social media. Kinuwestiyon nila ang timing ng resolusyon sa gitna ng kakulangan sa units at iba pang batayang serbisyo pati na ng lumalalang atake sa “masa” at malayang pamamahayag.
May mga natawa naman dahil tila medicine students na raw ang mga taga-CMC sa “Medcom” o pinaikling Media and Communication. Ngunit, palaisipan din sa komunidad kung ano ang konkretong “lulunasan” ng pagreretoke ng pagkakakilanlan ng kolehiyo buhat ng “malabo” at “hindi masalat” na kahihinatnan ng college renaming.
Sa mga kagaya kong mag-aaral na maagang natunugan ang pagbabagong ito, ang agad kong mga tanong: “Bakit kailangang palitan ang pangalan?” at “Bakit College of Media and Communication?”
Higit pa sa pagkasanay sa pangalang Maskom, sipa ng nostalgia tulad ng sa AS o ang pinaghiwalay na College of Arts and Sciences, o ng identity crisis sa maluwag na paggamit nito, bakit nga ba dapat makialam tayong mga estudyante?
Sa naging college planning noong 2023, iminungkahi ni Prop. Enriquez na mahalagang sipatin ang historikal na dalumat sa katagang “mass” sa mass communication. Aniya, nakadikit ito sa atrasadong kuro-kurong wala umanong sariling gulugod ang audience sa “one is to many” na paling ng komunikasyon at sa ideyang may tiyak at mapanglahat na katawagan sa mga “kumokonsumo” ng midya sa kabila ng mga pagbabagong dulot ng teknolohiya at pagkakaiba ng kultura, uri, at pinagmulan.
Suportado ito nina instructor Shine Rapanot, associate professor Dazzelyn Zapata, associate professor Diosa Labiste, Broadcast Communication Department chair Alwin Aguirre, at professor emeritus Nicanor Tiongson. Binigyang-diin din nila ang mababang pagtingin at estereotipo sa terminong “mass” na humahantong sa pambobobong madalas makita sa mga palabas na kinapos sa pandama at pananaliksik.
Bukod sa pagtanggal sa umano’y problematikong terminong “mass”, ani Tiongson, kailangang panatilihin ang “media” at “communication” upang saklawin din ang pag-aaral ng “folk media” o iyong hindi taglay ang elektronikong aparato at katangiang long-distance. Ang resulta: “College of Media and Communication.”
Masalimuot ang pagpapalit ng pangalan. At kung nahihirapan maging ang mga propesor at tagapamahala sa kolehiyo, bakit nga ba dapat aktibong makialam ang mga estudyante ng UP Maskom sa “rebranding” na ito?
Ang pangalan, lalo ng isang institusyong nag-aanak at nagpupunla ng kaalaman, ay isang simbolong may mensaheng lagi’t laging politikal. Mahalagang suriin ang kahulugan nito at maging kinakabit na mga personalidad sa pangalang ito.
Mainam na mag-throwback tayo sa nangyari sa malayo nating kapitbahay, ang College of Business Administration (CBA). Noong 2014, sa halagang 40 milyong pisong donasyon ng isang UP alumnus, pinalitan ang pangalan ng kanilang kolehiyo at naging Cesar E. Virata School of Business (VSB), sunod sa pangalan ng dating dekano ng CBA at dating prime minister at finance secretary ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr.
Pinutakti ito ng batikos dahil labag sa batas ang magpangalan ng isang gusali sa isang taong buhay pa, dahil sa kawalan ng konsultasyon, at dahil sa walang pakundangang pagpaparangal sa isang technocrat ng diktador. Tila isang press release ito na ayos lang pumosturang apolitikal ang isang anak ng UP hangga’t “mahusay” nitong nilulutas ang mga problema ng bansa.
Sa CMC, wala pa namang umuugong na tangkang kabitan ng pangalan ng kung sinong personalidad, buhay man o patay, ang magiging bagong pangalan ng kolehiyo. Batay naman sa bakas ng mga donasyon sa kolehiyo kamakailan, gaya ng kay CMC almuna Sen. Loren Legarda, wala pang usok ng posibilidad na ipangalan sa kanya ang popondohan niyang bagong Media Archives building.
Sa usapin ng demokratikong proseso ng pagpapalit ng pangalan, higit na may pagsisikap naman ang Maskom kumpara sa dating CBA na sumangguni sa sariling komunidad sa gaganaping konsultasyon sa ika-30 at 31 ng Agosto. Katunayan, nilipat nila ang konsultasyon sa nasabing mga petsa nang ideklarang holiday ang ika-23, isa sa mga orihinal na araw ng sesyon, buhat ng mapanlinlang na holiday economics.
Kulang pa rin ito. Tinutulak nating magkaroon ng higit pang boses ang komunidad sa proseso ng college renaming kagaya ng pagboto ng Maskom sa isang referendum para yakapin nito at gawing opisyal na pahayagan ang Tinig ng Plaridel.
Kung wala (pa) naman palang sukdulang mala-VSB na “rebranding” sa Maskom, bakit pa dapat itong pagkunutan ng noo ng mga mag-aaral ng CMC?
Muli, mahalagang maunawaang nakakabit ang pangalan ng isang kolehiyo sa pagkakakilanlan at tunguhin nito. Kakailanganin muna nitong maghubad ng mga nakasanayang praktika. Mismong si Prop. Aguirre na rin ang nagsabing madali lang magpalit ng pangalan ng kolehiyo subalit mahirap itong panindigan.
Sa kaso ng Maskom na akademiko at pilosopikal ang mga binabanggit na dahilan, babaguhin nito ang pag-intindi natin sa kalikasan at lugar ng midya sa daigdig.
Dapat bantayan din kung paano huhubugin ng kolehiyo ang mga mag-aaral nito bilang mga Pilipino at lakas-paggawa. Patungo ba ang lahat ng pagbabagong ito sa isang mapagpalayang lipunan?
Halimbawa, sa pagtunggali natin sa artificial intelligence ganap ba itong maka-uri at pagbaka sa pananamantala? Sa tuwing sinasaliksik natin ang mga Pilipinong “namumuhay” sa midya, para ba ito sa pagtuklas at paglutas sa kanilang mga dinaraing, o para ba ito sa pagkamal ng kita ng iilan?
Mayroon man o walang “mass” sa pangalan ng kolehiyo, baog at balatkayo lang ang lahat hangga’t nagpapanggap na absolutong obhetibo ang akademya sa agenda’t metodo nito, malabnaw ang paggiit sa academic freedom, at yumuyuko sa neoliberal na adhikaing dinidikta ng dayuhang impluwensiya tulad ng Estados Unidos.
Gawing pook ng karangalan ang pagpapalit ng pangalan at gawin itong lunsaran upang mas malalim na maunawaan at mapagsilbihan ang sambayanan. Gampanan ang isinisigaw nating agenda at makamasang oryentasyon. Isulong ang bisyon ng Broadcast Communication Department noong 2022 ukol sa pagtataguyod ng Philippine Media Studies at iugat ito sa Araling Pilipinong nakakabig sa materyal na kondisyon ng lipunan.
Dito, mas magkakaroon tayo ng kritikal, empiriko, at maka-Pilipinong pag-aaral at produksyon ng midya na mag-aambag sa makabayan, siyentipiko, at makamasang kultura at edukasyon. Dito, mas may kakayahan tayong manindigang mas maging malaya at mapagpalaya.
Ganito sana ang hindi magmamaliw na karakter o branding ng isang tahanang “kumakalinga” sa mga iskolar ng bayan at alagad ng midya.
Kasalukuyang kumukuha si Alu Tabije ng kursong communication research sa UP Diliman. Isa siyang co-convenor ng Rise for Education Alliance (R4E) – CMC, isa sa mga balangay ng pinakamalawak na hanay ng mga pormasyon at indibidwal na “nagtataguyod ng karapatan ng mga mag-aaral sa makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon.”
Para sa mga komento, padalhan lamang siya ng email sa mdtabije@up.edu.ph.