Araw ng Martes, ika-25 ng Pebrero 1986, nang sama-samang magtungo ang taumbayan sa lansangan ng EDSA. Iisang layon ang bitbit nila—wakasan ang diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. Sa parehong araw, nilisan ng pamilyang Marcos ang bansa patungong Hawaii.
Bilang paggunita sa unang EDSA People Power Revolution, nagbalik lansangan ang mamamayan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Sa pagkakataong ito, dala nila ang mga panawagang tugunan ang krisis sa edukasyon, kahirapan, mataas na presyo ng bilihin, mababang sahod, at korapsyon.
Marami sa mga dumalo ang naging bahagi na ng orihinal na pagkilos. Marami rin namang hindi na naabutan ang pag-aalsa noong 1986.
Sa isang panayam kasama ang KRISIS, sinagot ng ilan sa kanila ang mga sumusunod na tanong: Nasaan ka noong Pebrero 25, 1986? At ano ang kahulugan ng EDSA People Power para sa iyo?

Nasa ospital si Adora Faye De Vera ng SELDA, organisasyon ng mga naging bilanggong pulitikal, nang maganap ang EDSA People Power. Kuwento niya, binaril ang kanyang paa noong Martial Law kaya’t kinailangan itong operahan.
Para kay De Vera, “ang EDSA [ay] pangyayari na nagkaisa ang mamamayan laban sa diktadura. Ibang klase [ito ng] kasaysayan dahil iba-ibang klase ng tao mula sa iba’t ibang pampulitikang paninindigan ay nagkaisa para ibagsak yung Martial Law [at] nagtagumpay. Kaya huwag na huwag tayong papayag na mag-Martial Law ulit.”

Nasaksihan naman ni Dr. Rolando Alagde ang pagbagsak ng rehimeng Marcos noong 1986. Kasama rin siya nang maulit ang EDSA People Power upang patalsikin naman si Joseph Estrada noong 2001. “Ngayon naglalakad uli kami hindi na para sa amin, para sa inyo na.”
“Ang EDSA ay pagkawala sa rehimeng Marcos na siniil ang taumbayan, ginamit ang pera ng taumbayan para sa kanilang kapakanan. After this, 40 years or more, andyan na naman sila. Paano natin sila paaalisin? Nasa kanila ang pera, kaya nilang gumawa ng kapangyarihan.”

Hindi pa ipinapanganak si Rea, miyembro ng Partido Manggagawa, nang maganap ang EDSA Uno. Ngunit naging bahagi siya ng ikalawang People Power Revolution noong 2001. “Nandyan kami, nagladlad ng bandera na resign all,” aniya.
“Yung EDSA sa akin, ito yung paggunita ng mga nabiktima ni Marcos noong panahon niya. Ito yung mga napatay niya noong Martial Law. Yung halos wala nang karapatan kahit yung mga media, yung mga kumukuha, nawawala, na hindi natin alam kung saan dinadala. Ito rin yung kalayaan ng mga lumaban noong panahon ng EDSA.”

Bilang kabataang hindi na naabutan ang EDSA Uno, batid ng mag-aaral na si John Lloyd Vergara Antoc ng Polytechnic University of the Philippines ang naging papel nito sa pagpapatalsik ng diktadura.
“Kailangan lumabas sa lansangan tulad ng EDSA ang mga kabataan, mga guro, mga pari, at iba’t ibang sektor ng lipunan, para tunay na mapatalsik ang diktadura at makamit yung kalayaan kapag pinagkakait na sa atin.”

Sampung taong gulang pa lamang si Fr. Ruben Irece ng Franciscan Order of Friars Minor, isang panrelihiyong organisasyon, noong 1986. Para sa kanya, mahalagang alalahanin ang EDSA dahil naibalik nito ang tunay na demokrasya.
“Ang EDSA ay hindi gawain ng iisang tao lamang, kundi lahat ng taong nagkakaisa. Bagaman ngayon parang gusto nilang sirain ang diwa ng EDSA, pero yun ang dahilan kung bakit tayo nandito. Sana ganoon, kapag nakakalimot ang tao, dapat ipaalala. Dahil kung hindi natin alam kung ano ang totoo, hindi natin alam kung ano ang direksyon na tatahakin natin.”
ERRATUM: The fourth subject’s surname has been corrected from “Vergarato” to “Vergara Antoc”. We apologize for the error.