Sa gitna ng patuloy na krisis sa sistema ng edukasyon, mahalagang linawin muna kung ano ang tunay na pundasyon ng pagkatuto — ang sapat na antas ng karunungang bumasa, sumulat, at magbilang, maayos na pagsasanay at suporta sa mga guro at mga paaralang may kakayahang maghatid ng dekalidad na edukasyon. Sa kabila nito, nagsusulong ang pamahalaan ng mga reporma tulad ng ‘Strengthened’ Senior High School (SHS) curriculum at ang pagpapatupad ng trimester calendar sa basic education.

Sa papel, malinaw ang layunin: gawing mas angkop ang edukasyon sa pangangailangan ng merkado at ihanda ang mag-aaral sa kanilang napiling landas. Subalit, hindi reporma sa kurikulum o kalendaryo ang pangunahing lunas kung nananatiling mahina ang mga batayang ito.
Mayroong potensyal ang mga pagbabagong ito. Gayunpaman, ang strengthened SHS curriculum at ang trimester calendar ay dalawang halimbawa ng iisang suliranin: inuuna ang muling pagbabago ng istruktura ng edukasyon kahit hindi pa naaayos ang pinaka-saligang kondisyon ng pagkatuto.
Sa isang banda, ang pinalakas na SHS curriculum ay tila mas nakatuon sa paghahanda ng mga mag-aaral para sa kolehiyo o trabaho. Samantala, ang trimester na kalendaryo ay naglalayong gawing mabisa ang paggamit ng oras sa pagkatuto. Ngunit kung nananatiling mababa ang antas ng literasi, kulang sa suporta sa mga guro at hindi handa ang mga paaralan, nagiging limitado ang bisa ng ganitong mga reporma.
‘Strengthened’ SHS curriculum: Repormang mabibigo kung nananatiling mababa ang literasi
Ipatutupad na ng Department of Education (DepEd) ang strengthened SHS curriculum simula School Year 2026-2027 para sa mga papasok na Grade 11, alinsunod sa DepEd Memorandum 012, Series of 2026. Mananatiling saklaw ng kasalukuyang kurikulum ang mga nasa Grade 12 upang matiyak ang maayos na paglipat. Layunin ng repormang ito na gawing mas nakaangkla ang edukasyon sa kakayahan, interes at napiling landas ng mga mag-aaral — isang hakbang na, sa unang tingin ay tumutugon sa pangangailangan ng hinaharap.
Ngunit kung tutuusin, hindi sapat ang bagong istruktura kung hindi kayang buhatin ng kasalukuyang learning outcomes at kapasidad ng mga paaralan. Ang kakulangan na ito ay malinaw sa datos mula sa Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS), na nagpapakita na tinatayang 18 milyong Pilipino na nakapagtapos ng basic education ay maituturing na functionally illiterate o nahihirapang umunawa kahit may kakayahang bumasa at sumulat — mga kasanayang itinuturing na minimum para sa epektibong pagkatuto.
Mas lalong lumilinaw ang problema sa antas ng SHS: tinatayang 21% ng mga SHS graduates ang ganap na functionally illiterate, ayon sa isiniwalat ni Philippine Statistics Authority (PSA) Assistant National Statistician Adrian Cerezo. Ipinapakita nito na kahit na huling yugto ng basic education, hindi pa rin natitiyak ang paghubog ng mga pinakamahalagang kakayahan na dapat taglayin ng isang mag-aaral. Nangangahulugang humigit-kumulang isa sa bawat limang na nagtapos ng SHS ay maaaring nahihirapang umunawa ng teksto, sumuri ng impormasyon, o marunong makaintindi ng numero sa pang-araw-araw na sitwasyon.
Sa ganitong kalagayan, tunay ang hamon sa implementasyon: magiging limitado ang bisa ng mas espesyalisado at angkop na SHS curriculum kung ang malaking bahagi ng mga mag-aaral ay hindi pa ganap na bihasa sa mga nabanggit na batayang kasanayan. Sa halip na maging paghahanda para sa mas komplikadong pagkatuto o trabaho, ang SHS ay napipilitang gampanan pa rin ang papel ng remediation o pagiging panlunas — isang tungkuling hindi nito ganap na kayang akuin sa ilalim ng kasalukuyang disenyo.
Sa ilalim ng bagong kurikulum, babawasan ang core subjects mula 15 tungo sa lima: Effective Communication / Mabisang Komunikasyon, Life and Career Skills, General Science, General Mathematics at Pag-aaral sa Kasaysayan at Lipunang Pilipino. Lantaran ang layunin na linangin ang kabuuang kakayahan ng Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay-lakas sa mga nagtapos upang maging handa sa trabaho, kasabay ng pagpapagaan ng kurikulum. Layunin nitong gawing mas handa ang mga mag-aaral sa tunay na mundo ng trabaho.
Gayunpaman, sa aktuwal na karanasan ng maraming estudyanteng Pilipino, may malinaw na kapalit na kaakibat nito. Kapag nabawasan ang oras para sa core subjects na magbibigay-daan sa mas mahabang work immersion, palalawigin mula 80-320 oras tungo sa 320-840, resulta ang limitasyon at pagkakataon ng mga mag-aaral na maunawaan nang malalim ang mga batayang konsepto.
Halimbawa, sa halip na malinang ang lohika sa likod ng scientific reasoning o mathematical thinking, nauuwi ang pagkatuto sa pagsunod sa proseso nang hindi ganap na nauunawaan ang prinsipyo. Ito ang konkretong academic loss: hindi kakulangan sa exposure, kundi kakulangan sa mastery at disciplinary depth — isang kalagayang naglilimita sa kakayahan ng mga mag-aaral na masuri, mag-ugnay ng konsepto at maglapat ng kaalaman sa mga bagong sitwasyon. Sa ganitong konteksto, ang edukasyon ay hindi nagiging mekanikal at panandalian, sa halip na maging pundasyon ng kritikal at malikhain na pag-iisip.
Kasabay nito, ang pagpapahaba ng work immersion bilang bahagi ng layuning gawing “employment-ready” ang mga mag-aaral ay naglilipat ng diin mula sa intellectual at civic formation tungo sa agarang kakayahang magtrabaho. Ang oras na sana’y inilaan sa pagsusuri ng mga tekstong panlipunan, malalim na diskusyon at paglinang ng kritikal na pag-iisip ay napapalitan ng pagsasanay sa tiyak na gawain sa trabaho. Sa ganitong kalagayan, ang “totality” na nais linangin ay nagiging mas nakasentro sa pagiging manggagawa — hindi dahil hindi mahalaga ang pagiging handa sa trabaho, kundi dahil hindi sapat ang napa-uuna ang paghubog ng kakayahang magsuri, umunawa at mag-angkop ng kaalaman sa iba’t ibang konteksto, na siyang nagbibigay saysay at tibay sa anumang teknikal na kasanayan.
Ipinahayag ni DepEd Secretary Sonny Angara na layunin ng repormang ito na palakasin ang mga batayang kasanayan, bawasan ang siksik na nilalaman ng kurikulum, palawakin ang pagsasanay sa aktuwal na paggawa at iayon ang paghahanda ng mga mag-aaral sa pangangailangan ng higher education at ng workforce. Sa ganitong pananaw, inaasahang magiging mas malinaw ang direksyon ng pagkatuto — mas kaunting aralin, mas malalim na pagsasanay at mas mataas na antas ng kahandaan sa susunod na yugto.
Ngunit mahalagang suriin ang hangganan ng ganitong lohika. Ang pag-aangkop sa hinihingi ng kolehiyo at trabaho ay nagiging limitado kung ang mga mag-aaral ay nahihirapan pa rin sa batayang kasanayan tulad ng pagbasa at pag-unawa. Gayundin, ang pagpapalawak ng pagsasanay at espesyalisasyon ay nangangailangan ng sapat na kakayahan ng mga paaralan — mula sa guro hanggang sa mga pasilidad na sa kasalukuyan ay hindi pantay-pantay ang kalidad. Kung hindi matitiyak ang matibay na pundasyon ng pagkatuto at ang kakayahan ng sistemang maipatupad nang maayos ang mga pagbabagong ito, maaaring hindi sapat ang simpleng pagbabago sa istruktura ng kurikulum upang makamit ang mga layunin nito.
Trimester calendar: Structural adjustment na puwedeng bumigay kung mahina ang kapasidad ng sistema
Katulad ng pinalakas na SHS curriculum, ang pagpapatupad ng trimester calendar ay halimbawa ng structural adjustment sa edukasyon. Layunin nitong gawing mas epektibo ang paggamit ng oras sa pagkatuto at matugunan ang mga hamon ng natural na kalamidad. Hinati ang 201 na araw ng pasukan sa tatlong termino: Hunyo–Setyembre, Setyembre–Disyembre at Enero–Marso, na may itinakdang panahon para sa instructional at assessment. Ayon sa DepEd, ang bagong sistema ay sumunod din sa rekomendasyon ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) at ng Economic Development (ED) Council, upang tiyakin ang tuloy-tuloy na pagkatuto.
Gayunpaman, tulad ng SHS curriculum, may malinaw na panganib kung hindi sapat ang kapasidad ng sistema. Ang mas pinaikling termino at mabilis na daloy ng academic period ay naglalagay ng dagdag pressure sa mga mag-aaral at guro. Nagiging limitado ang oras para sa remediation, feedback, repleksyon at mas nagiging target-chasing ang proseso, na kung saan inuuna ang pagtapos ng aralin at pagsunod sa timeline kaysa sa malalim na pag-unawa ng mga mag-aaral. Dahil sa ganitong setup, humihina ang pagkakataon ng mga mag-aaral na lubusang mai-proseso at maunawaan ang mga konsepto. Sa kasalukuyang sitwasyon, na nahaharap pa sa panibagong kurikulum at may mababang antas ng literasi, maaaring bumigay ang calendar reform at hindi matupad ang layunin nitong mapabuti ang kalidad ng pagkatuto.
Sa kabilang banda, inaasahan ng DepEd na makikinabang ang mga mag-aaral sa mas mahabang uninterrupted instructional blocks bawat termino, na makatutulong sa mas matatag na pacing at mas maayos na recovery ng mga natutunan. Gayunpaman, nakasalalay ang benepisyong ito sa isang kritikal na kondisyon: ang pagkakaroon ng matibay na pundasyon sa pagkatuto. Kung nananatiling mababa ang antas ng literasi at kulang ang suporta sa mga guro, ang mas mahabang oras ng pagtuturo ay hindi awtomatikong magreresulta sa mas malalim na pag-unawa.
Sa ganitong sitwasyon, may panganib na pahabain lamang ang oras na ginugugol ng mga mag-aaral sa mga araling hindi pa nila lubos na nauunawaan. Pinahihintulutan man ng bagong kalendaryo ang mga guro na maglaan ng oras para sa mga professional development at catch-up initiatives, nananatiling limitado ang bisa nito kung hindi sistematikong natutugunan ang mga batayang suliranin sa loob ng silid-aralan.
Sa huli, hindi masama ang reporma, ngunit hindi ito sapat kung hindi natutugunan ang mga batayang suliranin. Ang tunay na pag-aayos ng sistema ay nangangailangan ng malinaw na hakbang: pagpapanumbalik ng literasi, mas malakas na suporta sa pagkuha ng mga guro, maayos na silid-aralan, pagsusuri sa kahandaan ng mga paaralan, at paunti-unting paglulunsad bago ipatupad sa buong bansa. Sa ganitong paraan, ang reporma ay magiging epektibo, hindi lamang para sa trabaho kundi para sa mas matibay at makabuluhang pagkatuto.