In memory of Lean Alejandro
Itim ang dagat ng mga estudyanteng lumabas sa kani-kanilang klase noong Setyembre 12 sa UP Diliman. Sa harap ng Palma Hall, plakard ang sandata, tinig ang bala, at lakad ang simbolo ng pagtutol laban sa impunidad. Para bang bumalik tayo sa dekada ’80, sa panahong ang kampus ay hindi lang tahanan ng talino kundi pugad din ng paninindigan.
Ngunit sa gitna ng dagat ng tao, hindi ko maiwasang magtanong: naiintindihan ba ng lahat kung bakit sila naroon?
Hindi ko sinisisi ang karaniwang estudyante kung hindi siya laging nakakasubaybay sa balita. Lahat tayo ay may sariling iniintindi: pasahan ng requirements, panggastos, mga problema sa pamilya. Natural din ang pangamba—paano kung mapahamak ako? Paano na ang mga magulang ko? Paano na ang aking kinabukasan?
Pero malinaw din na ang kalahati ng libu-libong nag-walkout ay sumama dahil sa pakisama, o dahil obligasyon ng organisasyon, o dahil sa FOMO. Nakikita ko sila—mga anak ng pulitiko, mga fratman, mga working student na dumadaan sa tatlong sakay bago makarating ng klase, pati mga estudyanteng nagparada ng sariling kotse bago bumaba’t makisabay sa agos ng protesta.
At dito ko naisip: anuman ang pinagmulan, kung estudyante ka ng UP, dala mo ang pangalan na “iskolar ng bayan.” Ang tanong: paano mo iyon isasabuhay?
Naalala ko ang sinabi ng propesor ko matapos ang walkout. Tinanong niya ang ilan kong kaklase kung bakit sila nakaitim. Sa unang tingin simpleng tanong lang, pero sa totoo’y hamon iyon. At may iniwang pahayag na hanggang ngayon ay bumabalik sa isip ko:
“Anuman ang pinanggalingan mo, nararapat kang maging bahagi ng unibersidad na ito.”
Ngunit ang pagiging karapat-dapat ay hindi natatapos sa pagpasa ng UPCAT o sa bayad na tuition. Ang tunay na bigat ng pagiging iskolar ng bayan ay nasa kung paano natin ipinagtatanggol ang mismong sambayanang nagpaaral sa atin.
Dito pumapasok ang alaala ni Lean Alejandro. Noong 1983, kasabay ng kasagsagan ng diktadura, nanguna siya sa malawakang walkout sa Diliman matapos paslangin si Ninoy Aquino. Libo-libong estudyante rin noon ang nagmartsa, pero higit sa bilang, pinanday nila ang kasaysayan dahil malinaw ang kanilang paninindigan. Sa bawat sigaw ni Lean laban sa diktadura, dala niya ang isang paninindigang hindi nakasalalay sa pansariling kapakanan kundi sa bayan.
Isa sa mga pinakamatingkad na aral mula sa kanyang panahon ay ang halaga ng alaala. Ang bawat kilos-protesta ay pagpapaalala—na ang karapatan nating mag-aral, maglakad, at magsalita ay bunga ng dugo at sakripisyo ng mga nauna. At kung hahayaan nating mabaon sa limot ang kasaysayan, kusa rin nating isusuko ang mga kalayaang ipinaglaban nila.
Kaya masakit isipin na sa henerasyon ngayon, minsan ang kilos-protesta ay nagiging photo-op, o pakikisabay lang sa uso. Hindi ito dapat fashion statement o palamuti sa transcript. Ang protesta ay dapat ugat ng ating pagkatao, pagsasakatuparan ng ating pagiging iskolar ng bayan.
Mas iba ang henerasyong ito: mas hati, mas hiwa-hiwalay ang karanasan, mas nakasubsob sa sariling laban. Pero hindi ibig sabihin ay wala tayong karapatang magprotesta. Ang ibig sabihin lang: mas kailangan nating magsalita nang may malinaw na dahilan. Mas kailangan nating ipaalala sa isa’t isa na ang laban ay hindi tungkol sa imahe, kundi sa katotohanan.
Marami nga ang nasa kalsada. Ngunit kung wala tayong paninindigan, para tayong katawan na nagmartsa nang walang kaluluwa. Kung hindi natin mauunawaan at ipaglalaban ang dahilan ng ating pagkilos, mawawala ang diwa ng pagiging iskolar ng bayan—at kasabay nito, mawawala rin ang kinabukasan ng bayan na dapat nating ipinaglalaban.
Sa huli, hindi dami ang batayan ng laban. Ang tunay na lakas ng protesta ay nasa kung paano ito nag-uugat sa ating alaala, sa ating paninindigan, at sa ating identidad.
Kung hindi natin kayang panindigan iyon, sino pa?