Sa parating na halalan, kikilos ang kabataan

‘Business of everyone’ ang eleksyon dahil dapat makialam, magkumento o umalma ng lahat, ani COMELEC Chair Garcia

Sinikap ni Sydney Sabandal, isang freshman mula sa UP Open University, na makaabot sa huling araw ng voter’s registration noong Setyembre 30 upang siya’y makaboto sa halalan sa susunod na taon.

“Akala ko po talaga, closed na ‘yung registration ng voters,” saad niya. “Medyo nalungkot po ako kasi [noong] 2022, hindi po ako pwedeng mag-vote sa presidential elections kasi minor pa po ako noon.”

Ipinagpaliban muna niya ang ibang mga gawain upang agarang makapunta sa Commission on Elections (COMELEC) para makapagparehistro. “Iniisip ko, parang sayang naman yung chance na makaboto ako kahit sa senatorial (elections) pa lang,” dagdag niya.

Kabilang si Sabandal sa tinatayang 20 milyong kabataan na maidaragdag sa hanay ng mga botante sa darating na eleksyon sa 2025, ayon sa COMELEC.

Ngunit ilan pa rin sa kabataan ang nakaligtaang magparehistro, tulad na lamang ni Sigmund Manalo, 19, dahil sa bigat ng responsibilidad sa pag-aaral at kakulangan ng kaalaman.

“Sobrang nasasayangan ako. I do really care about politics… isang simple registration lang ‘yun, hindi naman siya magtatagal nang sobra-sobra and it’s worth doing,” saad ni Manalo. “Kaya nga lang, hindi ako informed. Pero that’s on my part, pagkukulang ko ‘yun.”

Sa isang forum noong Oktubre 21, hinikayat ni COMELEC Chair George Garcia ang lahat na matutong makialam, magkumento o umalma upang mas maging “maayos ang demokrasya.”

“Kailangan ang kabataan sa ganitong klaseng laban,” saad ni Garcia. “The business of elections is not only the business of the COMELEC. It is the business of everyone.”

Sa opisyal na tala ng komisyon, humigit tatlo sa kada apat na kabataang botante ang nakilahok sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) noong nakaraang taon.

Isa na rito si Jhon Daniel Gonzales, 20. “Imagine kung lahat ng youth bumoto and knowledgeable enough about sa current system ng Pilipinas ngayon. Grabe ang (magiging) impact ng elections,” aniya.

“Voting is one way to hold our leaders accountable para alam nilang ‘di tayo [mananahimik] ‘pag alam nating may mali sa sistema natin.”

Jhon Daniel Gonzales
First-time voter noong BSKE 2023

Marami pang kabataan tulad ni Gonzales ang nagising ang kamalayan sa usaping politikal. Nakiisa rin ang ilan sa kanila sa mga pangangampanya ng mga kandidato, gaya ni Manalo.

Para sa kaniya, isang pribilehiyo ang makasama sa house-to-house campaigns sa kanilang pamayanan sa Cavite para sa kaniyang napupusuang kandidato noon.

“Very proud ako sa nagawa kong ‘yun. Nanalo siya sa municipality namin… siguro na-share nila sa mga kapamilya nila yung talks namin na ‘yun. So for me, success ‘yun kahit sa nationwide hindi nag-count off yung numbers, at least sa municipality namin,” saad niya.

Mga hamon, dagok

Subalit, samu’t saring hadlang ang kinahaharap ng kabataan sa kanilang pakikiisa sa panahon ng halalan.

Ayon kay Christine Joy Sarmiento, dating kabahagi ng civic engagement group na Pinas Forward, malaking suliranin ang mahinang pakikilahok ng kabataan pagkatapos ng eleksyon.

“A couple of months after the elections, the user engagement (on our platform) declined drastically. Kung hindi election, young people really do not really care about social issues especially when it’s not election season anymore,” saad pa ni Sarmiento.

Para naman kay Gonzales, sabay lang umano sa uso ang pagiging mulat ng kabataan.

“Kapag may hot topic, sobrang dami talagang nagiging vocal online. Pero pag lumamig na ‘yung issue or ‘di na siya trending, nawawala na rin ‘yung interest ng mga tao,” aniya. “Parang move on agad, tapos balik ulit sa normal.”


Maliban sa pabugso-bugsong interes, hamon din ang pag-etsa puwera sa mga menor na edad na hindi pa maaaring bumoto.

Kabilang dito si Sabandal na nakaranas ng red-tagging matapos niyang suportahan noong 2022 ang isang partikular na kandidato online. Pinuna rin siya umano ng ilan sa kaniyang mga kamag-anak dahil hindi pa siya botante noon.

“Mahalagang ma-raise ko ang voice ko kasi apektado pa rin po kaming mga hindi botante ng mga choice ng mga botante, kaya sa simpleng [pag-share ko] lang po naipapakita ‘yung nararamdaman at nasa isip ko,” saad niya.

Sa pagsusuri nina Sarmiento, malaking salik din ang aspetong pang-ekonomiko sa pagbaba ng interes ng kabataan sa mga usaping panlipunan.

“Even if they’re still students, some of (our users) really [have] to do part-time jobs just so they can contribute to their household or the family. Mas importante na kumakain muna ‘yung pamilya niyo ng three times a day… (sa gitna ng) political landscape natin ngayon (which) is very polarizing,” aniya.

Sa kabila ng mga hamon, buo pa rin ang loob ni Manalo na maglaan ng oras upang makiisa sa mga diskusyon sa paparating na eleksyon.

“I’ll do my own research, aalamin ko yung mga plataporma nila, track record and I will do my best to share and hopefully ma-encourage ko sila to vote for the right people,” saad niya.

Para kay Sarmiento, hindi lang sa eleksyon nagtatapos ang pagiging Pilipino. “Whether you are a voter or not, ‘yung mga ginagawa mo sa pang-araw-araw has an effect not just on your life but also for your family, your community and even your country’s future.”

Total
0
Shares
Related Posts