Sa Ngalan ng Ama, ng Anak, at ng mga Sugat na Hindi pa Naghihilom

Dala ng pagkabagot, naglakbay siya mula sa kanyang lungga patungo sa isang malawak na lote sa Tagaytay noong 1995. Biglaan ang kanyang ganap na pagtigil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Mabigat ang husga noon ng lipunan sa rehabilitasyon—mas pinili niyang magkulong sa loob ng tahimik na silid ng isang kalapit na monasteryo.

Minuto ang lumipas bago siya tumigil sa paglakad. Dinala siya ng kanyang mga paa sa harap ng Munting Bukal, isang malaking simbahan—ang Divine Word Seminary na pag-aari at pinamumunuan ng Society of the Divine Word (SVD). Katolikong kongregasyon ito ng mga pari at mga kapatid na nakatuon sa misyonaryo.

Pumasok siya rito, umupo, at saka nagnilay.

Mahigit isang dekada ang lumipas bago siya muling napadpad sa parehong simbahan: nakaluhod sa sahig, bagong ordena bilang pari.

“Hindi na sumagi sa isip ko na magpari. ‘Di ko nakita ang sarili [ko] bilang isang karapat-dapat na alagad ng Diyos,” pag-alala ni Fr. Flaviano “Flavie” Villanueva habang nakaupo sa kulay abong sofa sa kanyang opisina sa Catholic Cathedral sa Maynila.

Sa edad na 54, naninilbihan siya ngayon bilang coordinator ng Justice, Peace and Integrity Office ng SVD. Kilala siyang kritiko ng madugong laban kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pamamagitan ng mga programa sa ilalim ng itinatag niyang Arnold Janssen Kalinga Foundation Inc. (AJKF, Inc.), sinusuportahan ni Fr. Flavie ang ilang naulilang pamilya ng mga biktima ng drug war at kinukupkop ang mga walang tirahan.

Bagaman madilim, itinuturing niyang makulay ang kanyang nakaraang humubog sa kanyang pagkataong noo’y sugatan ngunit ngayo’y nakapagpapahilom.

Sariling laban kontra droga

Dala ng kuryosidad, nagsimulang gumamit ng mga ipinagbabawal na gamot si Fr. Flavie sa edad na 16 kasabay ng paninigarilyo. Bahagi siya ng varsity noong hayskul hanggang sa magkolehiyo. May mga kaibigan at mga mahal sa buhay siyang ginagawa ito, kaya’t sumagi rin sa kaniyang isip na ito’y subukan.

Pagtuntong ng ikatlong taon sa kolehiyo, naging aktibo siya sa mountaineering at nagpasyang tumigil sa paninigarilyo sa takot na bumigay ang kanyang mga baga. 

Nakibahagi rin siya noon sa aktibismo laban sa katiwalian at karahasan ng rehimen ni Ferdinand Marcos Sr.

I remember we would be looking forward to rallies. Minsan pa nga, may mga tama kami [kapag] pumupunta kami,” aniya sa isang kalmado, magaspang na boses.

Hindi naglaon, lumakas ang paggamit niya ng ilegal na droga. Bagay na nangangailangan din ng perang kanyang nakukuha sa parehong legal at ilegal na pamamaraan. 

“Dumating na sa punto na nagtanong na ako [kung] saan patungo ito,” kuwento niya.

Taliwas sa mga umasensong kasama at kaibigan, naiwan siyang lugmok at sugatan sa munti niyang mundo. 

Nang magkulong siya sa Munting Bukal para sa sariling paghilom, hindi lamang droga ang nais niyang wakasan. Kundi maging ang adrenaline rush ng mountaineering at pakikilahok sa Air Force sa paghahanap at pagsagip ng buhay. 

Tunay man niyang nagustuhan ang pagmamalasakit para sa buhay ng iba, bahagi pa rin ito umano ng isang adrenaline junkie na sabik punan ang puwang sa kanyang puso.

Kasabay ng pagpasok ni Fr. Flavie sa seminaryo, naputol din ang kanyang pakikibaka sa lansangan hanggang sa ipagkaloob sa kanya ang gampanin niya ngayon.

Pagkalinga at paghilom

Katamtaman ang lawak ng tanggapan ni Fr. Flavie. Sapat ang espasyo nito para sa apat hanggang limang tao. Puno ang bawat sulok ng puting dingding ng mga nakakuwadrong balitang ginupit mula sa iba’t ibang pahayagan, laman ang mga artikulong tampok ang programang kanyang pinamumunuan.

Sinimulan ng AJKF, Inc. ni Fr. Flavie ang Arnold Janssen Kalinga Center noong 2015. Pangunahing misyon nitong magbigay ng “kain, aral, at ligo nang umayos” sa mga taong inabandona at kinalimutan ng lipunan. 

Muli siyang nakipagsapalaran sa lansangan taong 2016. Ito ang unang taon ni Duterte bilang pangulo—unang taon ng administrasyong kanyang ibinoto.

“Aaminin ko na binoto ko iyong berdugo [si Duterte]. Ito siguro ang [aking] pinakamalaking pagsisisi,” pag-amin ni Fr. Flavie.

Dala ng pagnanais ng isang pinunong titindig—iyong may bayag—inakala niyang si Duterte ang solusyon.

“Ayan, tinamaan tayo ng lintik. Mali ang aking pasya. Dahil doon, dapat [mayroong mas] malalim na pakikilahok [bilang] parte ng reparation,” aniya.

Laban kontra droga ang isa sa mga pangunahing polisiya ng administrasyong Duterte. Ayon sa International Criminal Court, tinatayang nasa 12,000 hanggang 30,000 na sibilyan ang pinatay sa ilalim nito mula 2016 hanggang 2019.

Sa parehong taon, inilunsad ang Program Paghilom na nakatuon sa pagkalinga at pangangalaga sa mga naulilang asawa, anak, kaanak, at komunidad ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK). Sinusuportahan nito ngayon ang 314 na pamilya sa pagkain, pangkalusugan, psycho-spiritual intervention, legal, at tulong pag-aaral.

Bahagi ng programang ito ang paghukay sa labi ng mga biktima ng giyera kontra droga na malapit nang mag-expire ang upa sa puntod sa sementeryo. Sa pakikipagtulungan ni Dr. Raquel Fortun, isang forensic pathologist, sinusuri nila ang mga labi upang maghanap ng ebidensya laban sa mga gawa-gawang autopsy at police report sa kanilang pagkamatay.

Malalim ang pagdama ni Fr. Flavie sa mga naturang biktima, lalong higit sa mga “biktima lang at walang kinalaman sa droga.”

Mas malalim para sa kanya ang kahulugan ng kagustuhang matulungan yaong mga isinantabi’t inapakan. Bakas ito sa diin ng mga salitang binibitawan niya tuwing mababanggit ang mga biktima.

Bagaman malumanay, banayad na umaalingawngaw sa bawat sulok at dingding ng kanyang tanggapan ang kanyang tinig.

Sa mga sulok kung saan nakalatag ang mga aklat tungkol sa drug war at EJK.

Sa mga dingding kung saan nakalagay ang “Faces Behind the Numbers” ni Jie Adamat, ipinintang mga mukha ng biktima kasama ng kanilang mga naulila. 

Higit sa lahat, sa mahabang listahan ng mga pangalan ng mga pinaslang na abot mula kisame hanggang sahig.

“Sa hanay ng 312, walang nanlaban kahit sa isa d’yan. Lahat ‘yan ay pinatay,” saad niya.

Tila isang altar ang tanggapan ni Fr. Flavie. Hindi mga santo ang laman nito, kundi mga biktima—may mukha at pangalan, hindi mga numero lamang.

Mga banta

Bukod sa pondo, naging hamon din para kay Fr. Flavie ang banta sa kanyang buhay mula nang simulan ang adhikaing ito. 

“Nakunan namin sa CCTV na meron isang, wala pang pandemya noon, nakamask, balot, naka-backpack, at sinu-survey niya iyong building at pilit siyang pumasok ilang beses sa opisina,” kuwento niya.

Noong 2019, sinampahan siya, kasama ng ilan pang pari at obispo, ng kasong sedisyon ng Department of Justice sa umano’y planong pagpapatalsik kay Duterte. Ibinasura ito ng korte noong 2023. 

“Ang tapang ay nagmumula sa takot dahil may nananakot at dito, tumindi at lumalim ang resolve na ipagpatuloy itong ating ginagawa,” aniya.

Nitong Mayo, binuksan na ang “Dambana ng Paghilom,” isang memorial sa La Loma Catholic Cemetery sa Caloocan City para sa mga libong biktima ng laban kontra droga ni Duterte. Mayroon itong 100 vault at kayang maglaman ng 600 na mga sisidlan ng yumao.

Sa muling pag-ungkat ng Kongreso sa mga alaala ng laban kontra droga ni Duterte, hiling ni Fr. Flavie na paingayin pa ito at hindi lamang mapako sa pulitika. Pagkakataon ito umano upang muling mailantad ang mga kabulukan ng rehimeng Duterte.

“Hindi lang pagpatay o pagkitil sa buhay, bagkus iyong pagpatay sa mga democratic institutions na matagal na nandyan. Hindi man perpekto, pero binasag, niyurak,” dugtong niya.

Hiling din niya ang pambansang pagkilos sa dagok na ito, kung saan walang linyang nakaguhit sa pagitan ng bawat isa. Kasabay nito ang pambansang pagluhod para magnilay. Higit sa lahat, pagkakaroon ng pambansang pagtindig.

Tungo sa paghilom

Dalawang taon na ang nakalipas mula nang bumaba sa pwesto si Duterte, ngunit tuloy pa rin ang laban kontra droga sa bagong administrasyon. Iba man ang lapit, tiyak na patuloy ang pagdanak ng dugo.

“Hindi nakapagtataka na [mayroon pa ring] patayan dahil kultura ang iniwan sa atin. Kultura na nagmula sa salita na pwede nang patayin ang mga iyan,” ani Fr. Flavie.

Ilang taon na ring naglalakbay si Fr. Flavie. Sa pagkakataong ito, hindi na patungo sa malawak na lote sa Tagaytay. Hindi na rin pagkaburyo ang kanyang dahilan. Bitbit na niya ang tapang sa pagtindig tungo sa paghilom ng mga sugatang pamilyang naulila ng mga biktima sa laban kontra droga.

“Sana ang panalangin natin sa administrasyong ito at sa mga darating na araw, mabigyan ng paghilom ang komunidad, at sana… pati na rin ang sugatan nating buhay.”

Total
0
Shares
Related Posts